Blinking Green Light
July 12th, 2008 by dancing-lightsSa araw ng operasyon, magkikita ang pasyente (32 taong gulang na babae, 375 sa kanan at 350 sa kaliwa ang grado ng mata, + 100 grade astigmatism) at ang kaniyang opthalmoglogist na itago na lamang natin sa pangalang Doc X (42 taong gulang, Ingleserong hindi makapag-Ingles ng diretso, nagki-klinika at taga-pangulo sa isang tanyag na ospital sa Maynila, at nag-train pa sa Estados Unidos para sa pagle-laser surgery). Alas-10 ng umaga ang usapan.
May tatlong uri ng laser surgery. Ang una ay PRK, kung saan kakaskasin ang cornea, patatamaan ng laser ang iyong mata at hahayaang maghilom ang sinirang cornea ng ilang lingo, malinaw na ang mata pagkatapos gumaling ng cornea. Ang pangalawa ay Lasik Surgery, hihiwain ang iyong cornea, patatamaan ng laser ang mata, at ibabalik ang hiniwang cornea, kinabukasan ay makakakita ka na, at ang pangatlo ay Lasek na hindi ko alam ang kaibhan sa Lasik dahil pareho lamang ang proseso. Baka mas mahal. Ngayong araw, Lasik Surgery ang value meal for the day. Hindi pa ako kahit kailan na-operahan, major or minor man. Medyo kabado ako. Paano kung mamali ang tama ng laser? Hindi kaya ako mabulag? Sabi sa brochure, puwede daw magkaroon ng loss of vision kapag nagkaroon ng kumplikasyon. Shocks! Nagulat pa ako nang tinawag na ako ng nars para pagsuotin ng lab gown. Puros lalaki ang nasa klinika, mula sa tatlong duktor na naka-assign para sa buong proseso hanggang sa tatlong nars na umaasiste sa kanila. Pinaupo ako sa isang maliit na cublicle, pinatingin sa itaas at pinatakan ng sandamakmak na eye drops. Iba’t ibang klaseng pampatak hanggang sa manuot ang gamot sa sinus ko at sumakit ito na para bang nakasinghot ka ng litro-litrong alkohol. Habang nakapikit at hinihintay na manuot ang mga gamot sa mata, ay malalaman kong malapit nang tambakan ng Los Angeles Lakers ang San Antonio Spurs sa kanilang pangalawang laro para sa puwesto sa NBA Finals. Punto por punto kasi ang update ng nars. Papasok na ako sa operating room nang ibinalita ng nars na 101-87 ang final score pabor sa LA Lakers… Tahimik lang ako habang tinatanong ng nars kung mahilig ako sa basketball, sa loob-loob ko, kebs ko naman! Praning na ako at wala akong paki sa basketball.
Ihanda na ang lahat para sa operasyon: Nakahiga na ba ang pasyente sa operating table? Check. Gumagana ba ang cutting machine? Check! Umaandar ba ang laser machine? Sir, yes, sir! Malalim na hininga. This is it! Habang pinag-uusapan ng mga duktor kung gaano ka-high tech ang mga makinarya sa kanilang ospital ay nilinis na ang aking kanang mata. Nilagyan ng tape ang taas at babang mga pilikmata. Tapos, speculum naman para hindi mo maikurap ang iyong mata habang tumitira ang laser. Maliit lang ang speculum na bakal pero nakakatakot pa rin ang hitsura, para bang yung sa pelikulang Clockwork Orange. Ngayon alam ko na ang pakiramdam ni Alex, ang bida sa pelikula, habang pinupurga siya ng mga imahe ng karahasan at digmaan, para daw ma-desensitize ang kaniyang tendensiyang maging marahas. Thought for the second: ang theraphy para sa mga gago? Gaguhin pang lalo.
“Okay Miss Pineda,” sabi ni Doc X, “remember, you, just look straight in the blinking green light ha. Don’t blink. Just let the green light do the blinking.” Ano daw? Was that a joke? Okay, okay, blinking green light, hindi naman siguro mahirap tumingin sa blinking green light di ba?
Biglang may nagsalitang babae, “I am ready now doctor!” Uy! Yung laser machine! Nagsasalita! Babae ang boses ng makina at may twang pa ha! Super high tech na talaga ang mga bagay-bagay at ang makina na mismo ang nagdidikta ng hakbang-hakbang ng proseso ng pag-oopera. Ano kaya ang susunod na teknolohiya? “I am engaged doctor, ready to cut… cutting now!” Teka! Teka! Ano nga ang hihiwain?! Putangina! Hihiwain na ang mata ko, papakuluan at ihahain sa hapag kainan at ipapakain kay Hannibal Lecter! This is too much violence! At nasaan na ang blinking green light?! Bakit nawawala ang blinking green light?! Pucha! NASAAN ANG BLINKING GREEN LIGHT?! Bakit nawawala?! Bulag na ba ako?! Lord! Please let there be light! I want to follow the light! Take me out of the dark my Lord, I don’t want to be there! Puros itim, pula, orange, at green na lamang ang nakikita ko? At hindi blinking! Nagsalita na naman ang babaeng makina, “I am ready to fire now doctor!” Sandali! Ako, hindi pa ready! Wala akong nakikitang blinking green light! I need to see the light! “Firing doctor!” dugtong ng babae. Firing what?! Shet! Amoy nasusunog na nga! Sabi ng duktor, hindi daw regular ang hugis ng cornea ng mga nearsighted na tao, kaya sinusunog ito ng laser upang baguhin ang hugis nito. Huwag daw akong magalala dahil lilinaw na ang aking paningin pagkatapos ng procedure. Okay. Isa pang buntong hininga. Gusto kong pumikit pero may mga bakal na nakasangga sa aking talukap. Ang sakit na ng dibdib ko at feeling ko ay sasabog na ito sa mga naipong malalalim na hininga na ayaw kong pakawalan sa takot na gumalaw ang aking ulo at magkamali ang tama ng laser. Maya-maya pa, sabi ng duktor, tapos na daw ang operasyon and I did fine. Hay. Unti-unti na ring lumiwanag ang paligid at pati ang blinking green light ay namamataan ko na rin. Malabo ang paningin na tumayo ako mula sa operating table. Hindi ko alam kung nahihilo ako, nasusuka o kung paano. Kailangan matulog at magpahinga, at pagmulat ng mata, langit nakatawa na. Yipee!
Sabi ng isang kaibigan, para daw McDonald’s ang laser surgery. Fast food chain ang drama. Nakapila ang lahat ng nais luminaw ang mata, o gumanda, isa-isang papasok sa operating room, at matapos lamang ang halos sampung minuto, walah! Tapos na! Sa halagang Php 60, 000.00 biglang lilinaw ang dati-rati’y malabo, liliwanag ang dati’y madilim, tutuwid ang mga linyang dati-ratiy balikuko, punto por punto ang update sa NBA, muli’t muli ay mapapatunayan mong hindi lahat ng nag-aral sa Estados Unidos ay magiging magaling mag-Ingles, higit pa, paulit-ulit mong mapapatunayan na hindi, kahit kailan man naging pamantayan ang kasanayan sa baralilang Ingles para masukat ang talino o galing ng isang tao, sa kasong ito, ng isang duktor, makikilala mo ang hindi tao at hindi hayop ngunit nakakapagsalita with a twang na makinarya, mararanasan mong pumikit ng hindi pumipikit, o dumilat kahit ayaw mong dumilat, higit pa, dumilat ng walang nakikita, matututunan mong tumingin sa blinking green light, kahit wala namang green light sa iyong harapan, mabubulag ka ng 30 segundo, maaamoy mo ang sariling matang nasusunog, mararanasan mo ang pinaka-mahabang sampung minuto ng buhay mo, at ang makulay na mundong naghihintay pagmulat ng iyong mga mata kinabukasan.
Aba! At may souvenir DVD pa ng iyong sariling lasik surgery.
Sa bahay, habang nakaratay at nagpapahinga, nagtext si Doc X, “Hi, how are you? Did you arriveD safely?” Hay naku Doc, buti na lang rakenrol ka!